Pagtindig sa gitna ng krisis

 

 

 

 

“Pangarap kong magkaroon ng sariling meat shop,” pagbabahagi ni Aileen Janolino. Hindi lahat sa atin ay may pagkakataong makamit ang ating mga pangarap. Marami sa ating mga pangarap ay nananatiling pangarap na lamang. Ngunit pinatunayan ni Aileen, 39 na taong gulang mula San Pablo, Laguna, na kaya niyang tuparin ang kaniyang minimithi.

 

Napakasayang makitang unti-unti mong nabibigyan ng kulay ang dating imahinasyong nakapaloob lamang sa iyong isipan. Sa pag-abot nito, hindi ito nangangahulugang saya na lamang ang iyong mararamdaman. May pagsubok pa ring darating para sa ating paglago bilang isang indibidwal.

Bago pa man siya magtayo ng sarili niyang meat shop, mayroon nang mahusay na karanasan sa pagtitinda ng karne sa palengke si Aileen. Nagkaroon din siya ng pwesto sa dating night market ng San Pablo at nagtitinda ng processed foods. Tulad ng lahat ng negosyo, dumaan din si Aileen sa mga matitinding pagsubok.

Dumating ang paglaganap ng African Swine Fever (ASF) virus sa bansa noong 2019. Nagmistulang sira ang kaniyang mga produkto sa mata ng mga mamimili. Gayundin ang pag-alis at pagsasara ng San Pablo night market ay naging sanhi ng pagkawala ng kaniyang isa pang pinagkakakitaan. Gayunpaman, naging matibay si Aileen sa pagharap sa mga pagsubok na ito.

Patuloy na nagsumikap at binalikan ang pagtupad ng kaniyang pangarap. Pinaghandaang mabuti ni Aileen ang pagbubukas ng sarili niyang meat shop. Namuhunan siya sa mga produkto, mga kagamitan para sa kaniyang bagong negosyo. Dalawang linggo pa lamang bukas ang kaniyang bagong meat shop nang mag-anunsyo ang pamahalaan ng community quarantine noong Marso ngayong taon bunsod ng lumalaganap na virus. “Ang tagal kong hinintay ang pagkakataong ito. Maiiyak ka na lang talaga at mapapatanong na, ‘Ito ba ang will ninyo, Lord?” pag-aala niya.

Napuno siya ng pag-aalinlangan dahil sa banta sa kanilang kalusugan kung kaya’t minabuti niyang itigil muna ang kaniyang pagtitinda. Nag-aalala siya para sa kaniyang sarili at tauhan at ang maaari niyang maipasalubong na virus sa kaniyang asawa at tatlong anak. Ngunit kailangan niyang kumayod para sa kaniyang pamilya.

“Ang daming text messages kong natanggap na bumibili ng karne para sa kanilang talipapa. Nagkaroon ng panic buying ang mga tao,” aniya. Dahil na rin kailangan nila ng pagkakakitaan sa gitna na pandemyang ating kinakaharap, muli niyang binuksan ang kaniyang negosyo. Hindi rin naging mahirap sa kaniya ang makakuha ng suplay ng karne dahil nakakuha siya ng food pass bago pa man ipatupad ang community quarantine.

Ayon sa kaniya, sa mga unang linggo ng community quarantine ay may pera pa ang mga tao kung kaya’t hindi naging problema ang bentahan ng karne. Ngunit nang unti-unti ng maramdaman ng mga tao ang kawalan ng hanapbuhay, unti-unti ring naapektuhan ang benta niya sa araw-araw.

Dahil sa pagiging kliyente ng CARD Bank, kinuha siyang isa sa mga supplier ng karne ng Mga Likha ni Inay, isa sa mga institusyon sa ilalim ng CARD MRI, sa bago nitong lunsad na programa.

Aniya, malaki ang naging tulong ng Palengke on Wheels hindi lamang sa kaniya kundi maging sa komunidad. “Malaki ang naitutulong nito dahil hindi na kailangang lumabas pa ng mga mamimili dahil free delivery pala ito.” Dahil sa inisyatibong ito, nalilimitahan nito ang paglabas ng mga tao para mamili sa mga matataong lugar.

Dagdag pa niya, “Malaking bagay rin ito sa amin lalo’t nag-uumpisa pa lang kami. Araw-araw ay kumukuha sila sa amin ng karne. Humahanap talaga kami ng regular na mapagbebentahan ng aming mga produkto dahil wala pa rin kaming regular na suki. Sa pagkakataong ito, hindi kami nag-aantay sa wala.”

Sa lahat ng kaniyang pinagdaanang pagsubok, natuto siya sa lahat ng ito. “Sa mga pagkakataong ito, bawal ang sumuko. Laban! Dapat ay mahaba ang pisi mo. Dapat ay marunong kang magtabi ng kita mo. Darating na makaluluwag-luwag ka, ngunit darating din ang problema sa isang negosyo. Kailangang maging handa ka. Kailangan ay may ipon at pondo ka para muling makabawi.”

Sa ngayon, patuloy pa rin ang kaniyang pwesto sa palengke. Doon ay may isa siyang tindera at tatlong magkakatay ng karne. Sa tatlong buwan naman niyang pagpapatakbo ng kaniyang bagong meat shop ay may katuwang siyang isang tindera.

Pagbabahagi pa niya, “Hindi lahat ng masipag ay nagtatagumpay. Kailangan ay marunong kang magdesisyon sa pera at marunong kang humawak ng mga tao.”