Pagiging biyaya sa mga apektado ng pandemya

Isa sa mga aral na itinuro sa atin bilang mga Filipino, “Magtapos tayo ng pag-aaral upang makakuha ng mahusay ng trabaho sa hinaharap.” Ito ang kaisipan ng karamihan sa atin. Bagama’t walang masama sa pagiging empleyado, hindi ito sinakyan ni Rogelio Guia mula sa San Pablo, Laguna.

Ang kanilang pamilya ay may negosyong pag-aangkat at pagbebenta ng macapuno. Bagama’t nakapagtapos ng kolehiyo, pinili ni Rogelio na ipagpatuloy ang negosyo ng kanilang pamilya. Pinasok niya ang Maynila upang mas palawakin pa ang merkado ng kanilang negosyo.

Nang siya ay makapangasawa, lumipat siya sa baybayin ng lawa ng Sampaloc. Ipinagpatuloy niya pa rin ang kaniyang negosyo. Dahil sa bagong oportunidad at sa tulong na rin ng tiyuhin ng kaniyang asawa, naengganyo siyang magbukas ng dalawang fish cages.

Mula sa kaniyang naging suki ng macapuno sa Maynila ay nanghiram siya ng karagdagang pangkapital para sa kaniyang bagong negosyo. Nang kumita ang kaniyang fish cages sa Sampaloc Lake, ipinaubaya na niya ang kaniyang naunang negosyo sa kaniyang kapatid at nagpokus siya sa pag-aalaga ng tilapia. Sa ngayon, may 80 fish cages na siya sa Sampaloc Lake na siyang pangunahing pinagkukuhanan ng tilapia ng mga tindera ng isda sa palengke at sa mga talipapa sa San Pablo.

Pinalawak din niya ang kaniyang pag-aalaga ng tilapia sa Talisay, Batangas.

Sa negosyo, hindi mawawala ang kwento ng pagsubok. Ang kaniyang fish cages sa Talisay ay nagkaroon ng problema sa mga dokumento kung kaya’t marami sa bilang nito ay nawala. Karaniwang problema rin ng mga nasa sektor ng agrikultura ang natural na kalamidad at kabilang sa madalas tamaan ay ang fish cages ni Rogelio.

Krisis ngunit may pagpapala

Sa pagpasok ng taong 2020, dalawang krisis agad ang kinaharap ng kaniyang negosyo: ang pagsabog ng Bulkang Taal noong Enero na sumira sa mga fish cages niya na nasa Talisay at ang nangyaring fish kill noong Pebrero. Malaki ang halagang nawala sa kaniya sa mga sakunang naganap noong unang sangkapat pa lamang ng taong 2020.

Bagama’t malaki ang epekto ng COVID-19 sa mga tao at negosyo, hindi naman direktang tinamaan ang bentahan ng kanilang negosyo. Dahil sa itinuturing na mahalaga ang pagkain sa panahon ng pagharap natin ngayon sa krisis, naging patuloy ang pangangailangan ng suplay ng tilapia. Naramdaman ang paghina ngunit tuloy-tuloy naman ang naging huli at benta ng kanilang mga isda.

Nakatulong naman ang pagpasok ng Palengke on Wheels ng Mga Likha ni Inay dahil nadagdagan ang regular na kumukuha sa kanila ng isda. Umaaabot nang 18 hanggang 20 kilo araw-araw ang nakukuha sa kanila ng Palengke on Wheels sa panahon ng community quarantine sa lungsod ng San Pablo.

Isang biyaya para kay Rogelio ang magkaroon ng patuloy na kita sa gitna na pandemya. Sa bawat krisis na pinagdaraanan ng ating mga kababayan, aktibong nakikibahagi si Rogelio sa pag-aabot ng tulong sa iba’t ibang komunidad. Sa panahon nitong community quarantine sa San Pablo, namigay sila ng tilapia sa mahigit 200 pamilya sa ilang barangay sa San Pablo. “Tayo naman ay patuloy na nakita. Sila ay walang kinikita. Magbigay tayo sa kanila ng blessing,” pasasalamat ni Rogelio.

Ang kaniyang negosyo ay nakatutulong din sa mga trabahador niya at mga pamilya nila na magkaroon ng kita sa panahon ng pandemya.