Pagsinag ng oportunidad sa panahon ng walang katiyakan

Marami sa atin ang puno ng pangamba sa panahon ng pandemyang ating kinakaharap. Nariyan ang pagkawala ng mga trabaho at hanapbuhay sa maraming pamilyang Filipino. Malawak man ang naging pinsala ng COVID-19 sa atin bilang isang bansa, may mga umusbong namang oportunidad para sa ilan nating kababayan.

Sa pagharap natin sa bagong normal, kinailangan nating iangkop ang ating mga kilos nang naaayon sa mga bagong kasanayan.

Dahil dito, naglunsad ang Mga Likha ni Inay ng bagong programa nito na tinawag na Palengke on Wheels kung saan matutulungan nito ang mga mamimili na makapamalengke ng mga produktong agrikultural nang hindi na lumalabas pa sa kanilang tahanan. Ang mga produkto ay direktang inihahatid sa mga tahanan ng mga mamimili. Samantala, ang programa naman ay direktang nakatutulong sa mga magsasaka, mangingisda, at maglalako dahil sila ang nagsisilbing tagatustos ng pangangailangang produkto ng mga mamimili.

Isa sa mga direktang natulungan ng programa ay Si Marissa Pederiso ng Brgy. Sta. Cruz Putol, San Pablo, Laguna. Si Marissa ay isa sa mga pinagkukunan ng karne ng nasabing programa.

“Napakalaking bagay po ng Palengke on Wheels kasi hindi na naming kailangan pang maghanap ng mamimili. Sila na ang nagmamarket,” pagbabahagi ni Marissa.  “Halos kulang pa iyong (karneng) naibibigay namin sa kanila,” masayang pagbabahagi niya.

Hindi na bago kay Marissa ang magpakatay ng baboy at ipagbenta ito. Ngunit ayon sa kaniya, sa panahon ng community quarantine ang naging pinakamalakas na bentahan niya ng baboy dahil na rin sa tulong ng MLNI. Dahil sa malakas ang demand sa Palengke on Wheels, umabot ng tatlong baboy ang kaniyang ipinakatay sa loob lamang ng isang linggo.

Dahil dito, namuhunan na rin siya sa pagbili ng freezer para may maimbak siyang karne at hindi siya magahol sa kaniyang mga natatanggap na order. Nagsu-suplay rin ng itlog si Marissa para sa programa.

Laking tuwa niya na kumikita siya kahit na mayroong pisikal na limitasyon sa ating pagkilos. Dahil sa programa ng MLNI, madali niyang naibebenta ang kaniyang mga karne at itlog kung kaya’t malaki ang pasasalamat nito sa Palengke on Wheels.

Sa ngayon, pinag-iisipan na rin ni Marissa na mag-alaga na ng kaniyang sariling mga baboy upang hindi na niya kailangan pang maghanap at bumili ng kakataying baboy.

Maliban sa mga ito, mayroon ding frozen food business si Marissa. Marunong din siyang gumawa ng cake at iba pang kakanin na siyang pinagkukunan nila bago pa man lumaganap ang coronavirus. Pinilit niyang matuto ng maraming bagay na maaari niyang pagkakitaan para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Sa ngayon, nakapagtapos na ang mga anak niya sa kolehiyo at may mga trabaho na rin. Laking pasasalamat niya rin sa CARD Bank dahil sa patuloy na serbisyong pampinansyal na ibinibigay nito sa kaniyang pamilya. Ayon sa kaniya, dito niya kinuha ang pangkapital sa marami niyang sinubukang negosyo at ang institusyon din ang isa sa mga dahilan kung paano nakapagtapos ng pag-aaral ang kaniyang mga anak.

Dalangin lang ni Marissa na magpatuloy ang kaniyang benta ngayon at pagkatapos ng krisis na ating kinakaharap. “Sana ay magpatuloy itong Palengke on Wheels. Malaking bagay po ito sa amin at marami itong natututlungan. Bukod sa amin, siguro ay marami pa silang silang natutulungan dahil sa pagkuha nila ng mga produkto sa amin. Sana po ay lumakas at magpatuloy pa po ito,” pagtatapos ni Marissa.