Katatagan sa pagsulong sa karimlan

Sa paglaganap ng coronavirus sa ating bansa, hindi lamang banta sa kalusugan ang ating pinangangambahan, malaki rin ang naging epekto nito sa kabuhayan ng maraming Pilipino. Bagama’t mahalaga ang naging papel ng mga tao sa sektor ng agrikultura tulad ng mga magsasaka, mangingisda at mga nagtitinda ng produktong agrikultural, marami pa rin sa kanila ang lubhang naapektuhan ng mga kinakailangang ipatupad ng pamahaalan upang maiwasan ang lalo pang pagkalat ng virus.

Isa sa mga naapektuhan ang pagnenegosyo ng dahil sa COVID-19 ay si Perry Ortega, 28 taong gulang mula sa lungsod ng San Pablo, na nagpapatanim ng kamatis sa San Pablo at Nagcarlan. “Hindi nakalabas at naibenta ang mga naging ani namin kaya nabulok,” pag-alala ni Perry. Umabot sa PHP30,000 ang pinamuhunan niya rito na napunta lamang sa wala.

Dahil patuloy na nangangarap si Perry para sa kanilang mag-asawa, hindi siya pinanghinaan ng loob. Bagama’t iilang taon pa lamang siya sa ganitong klase ng negosyo at nakaranas agad ng malaking pagsubok, siya ay matiyagang nagpatuloy. Mas lalo pang nagsisipag si Perry para maitawid ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at ipagpatuloy ang pag-abot sa kanilang mga pangarap.

Ang kaniyang pataniman ng kamatis ay naisip niya upang hindi na siya mag-angkat pa nito sa ibang bayan at makatipid. Si Perry ay nagtitinda ng iba’t ibang klase ng bultuhang gulay sa mga maglalako sa palengke. Siya ang nagsu-supply ng gulay sa humigit kumulang 100 maglalako sa palengke.

Sa panahon ng pandemya, mas nagdoble-kayod si Perry. Ilang oras lang ang nagiging tulog niya simula nang magpatupad ng community quarantine. Ala una pa lamang ng madaling araw ay gising na siya para magtinda ng gulay at magtatapos ng alas onse ng gabi matapos ang pamimili ng gulay sa mga karatig bayan at probinsya.  Sa pagtama rin ng COVID-19, naging kakaunti ang magtitinda ng gulay kung kaya’t minabuti na rin niyang magtinda ng tingi-tinging gulay dahil nauunawaan niya ang sitwasyong pampinansyal ng mga mamimili.

Dahil din dito, nakuha siya bilang isang supplier ng gulay ng Palengke on Wheels ng Mga Likha ni Inay.

Ayon sa kaniya, malaki ang naging tulong nito dahil sa araw-araw ay may sigurado na siyang benta. Umaabot ng hanggang PHP10,000 ang nagiging benta niya sa Palengke on Wheels. Dahil nga siya ay isa sa mga supplier ng mga maglalako sa palengke, kadalasan ay inuutang sa kaniya ang mga gulay. Siya pa ang naniningil sa mga pwesto nga mga ito at minsan ay hindi siya agad nababayaran. Kung kaya’t malaking kaluwagan ang order na natatanggap niya mula sa Palengke on Wheels. Bukod sa siguradong benta na niya ito, nakakabawas ito sa mga gawaing paniningil ng pautang.

Sa ngayon, patuloy na nagsusumikap si Perry para sa kaniyang mga pangarap. Bagama’t nakaranas ng pagkalugi, nais pa rin niyang magpatanim ng mga gulay na maliit lamang ang kailangang puhunan. Kapalit man ang pagod na katawan sa ngayon, umaasa siyang balang araw ay makakamtan din nila ang maginhawang buhay kasama ang bubuuin nilang sariling pamilya.