Bagong hamon sa pag-unlad

Sa pagpasok ng taong 2020, samu’t saring pagsubok ang kinahaharap ng bawat mamamayang Filipino at ng ating bansa: ang banta ng sakit at ang kawalan ng hanapbuhay at trabaho ay iilan lamang sa mabibigat na araw-araw na pasanin ni Juan.

Isa na rito si Lilibeth Taclan, 38 taong gulang mula San Pablo City, Laguna. Si Lilibeth ay nagtatrabaho bilang isang Sales Ambassador sa Likha Ni Inay outlet store. Nagsimula siyang maging staff noong taong 2018. Ayon kay Lilibeth, ang pagiging isang Sales Ambassador ay isang malaking tungkulin dahil kailangan niyang siguraduhin ang kalidad ng produkto at ang pagkakaroon ng benta.

“Nagsimula ako sa outlet ng Likha ni Inay sa SM San Pablo hanggang sa malipat ako sa mga bagong outlet na kanilang binuksan. Bilang isang ina, malaking tulong ito para sa akin upang maitaguyod ko ang pangangailangan ng aking anak,” ani Lilibeth.

Hindi naging mahirap kay Lilibeth ang pagtatrabaho sa Likha Ni Inay. “Bata pa lamang ako ay hilig ko na ang magbenta. Tinuruan kami ng aking ama sa mga dapat at hindi dapat gawin pagdating sa pagbebenta. Nagagamit ko ang aking mga natutuhan sa aking ama ngayon sa aking trabaho.”

Ang pagbabago

Ngunit nang kumalat ang balita ng COVID-19, naging malaking pangamba ito para kay Lilibeth dahil sa posibleng pagkawala ng kanyang trabaho. “Napapansin ko na maraming mga establisyimento ang nagsasara. Dahil isa ako sa mga naka-assign sa outlet ng LNI, maaaring pansamantala rin akong mawalan ng trabaho,” panunumbalik ni Lilibeth.

Dumating ang araw na kinatatakutan niya noong kinailangan ding tumigil ng operasyon ng kaniyang pinagtatrabahuan dahil na rin sa community quarantine na ipinatupad sa Luzon. Ilang linggo rin siyang nawalan ng trabaho. Bilang isang ina, natakot siya sa ideyang walang pagkukunan ng kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Hindi pa man maaaring mag-operate ang kaniyang pinagtatrabahuan, nakaisip naman ang Mga Likha ni Inay ng isang proyekto na makatutulong sa kanila at sa komunidad. Ito ay ang pagkakalunsad ng Palengke on Wheels.

Tinawagan ako ng aking supervisor at ibinalita niya ang tungkol sa Palengke On Wheels. “Labis ang saya ko dahil panatag ako na di ako mawawalan ng trabaho,” may galak na pagsasalaysay ni Lilibeth.

Ayon pa sa kaniya, siya ay labis na natuwa sa inisyatibong ito ng Likha Ni Inay dahil malaking ang maitutulong nito sa publiko. “Hindi na kailangang lumabas ng mga tao upang mamalengke dahil sa Palengke On Wheels. Kami na ang maghahatid ng mga gusto at kailangan nilang mga produkto para sa kanilang mga pangangailangan.”

Siya ang inatasang mangasiwa sa nasabing proyekto. “Labis akong natuwa sa laki ng tiwalang ibinibigay sa akin ng institusyon. Ito ay isang oportunidad sa akin upang mapalawak ko pa ang aking kakayahan at ang aking kaalaman pagdating sa sales. Higit pa rito, nahubog ang aking abilidad sa pangangasiwa at kung paano makisama sa aking mga kasamahan.”

Kwento ni Lilibeth ay hindi naging mahirap ang panibagong gawain na inatas sa kanya dahil malaki ang naitutulong ng paggabay ng kaniyang mga immediate head.

Ang pagbubukas ng bagong oportunidad kay Lilibeth ay naging isang malaki at magandang hamon na kanyang taas noong hinaharap.

“Aking ipagpapatuloy ang aking magandang nasimulan at sisiguraduhin na dekalidad ang aming mga produktong naide-deliver sa aming mga mamimili. Ako ay walang sawang magpapasalamat sa Likha Ni Inay dahil sa patuloy na pagbibigay tulong, hindi lamang sa pampinansyal ngunit ang suporta ng pagbibigay kabuhayan at trabaho sa tulad naming mga staff,” pagwawakas niya.