Pagsulyap ng pag-asa sa gitna ng banta ng pandemya

“Kung ayaw, maraming dahilan. Kung gusto, maraming paraan,” pagbibitaw ni Angelique Ducot.

Isa si Angelique mula San Pablo City sa libo-libong maliliit na negosyante na nawalan ng pagkakakitaan nang lumaganap ang banta ng COVID-19 sa kalusugan. Siya ay may-ari ng isang canteen sa isang mall sa lungsod.

Ang dating malakas at mabentang canteen ni Angelique ay naging mahina’t matamlay. “Napilitan akong isara ang aking canteen dahil kaunti na lamang ang mga pumapasok na empleyado,” paglalahad niya. Ayon pa sa kaniya, ang pangilan-ngilang pumapasok na empleyado ay piniling manatili sa kanilang mga trabaho kahit sa oras ng kanilang tanghalian kung kaya’t wala ring kikitain ang kanilang canteen.

Ayaw man niya sa kaniyang naging desisyon, pinili niyang isara ang kaniyang canteen kaysa lalo pang maubos ang kaniyang puhunan. Dahil sa ipinatutupad na mga batas para labanan ang pagkalat ng virus, walang pumasok na kita sa kanilang mag-asawa. Ipinagpapasalamat na lamang nila ang kaunti nilang naipon na siya nilang ginamit sa kanilang pangunahing mga pangangailangan sa mga unang linggo ng community quarantine.

Naging labis ang pangamba ng mag-asawa kung paano sila kikita sa panahong ito upang matustusan ang kanilang pangangailangan.

Sa pagkakalunsad naman ng Palengke on Wheels ng Mga Likha ni Inay noong Abril ay nabigyan siya ng pagkakataong makapagtrabaho. “Maswerte ako nang yayain ako ng aking kapatid na magtrabaho bilang on call sa Palengke on Wheels,” pagbabahagi ni Angelique.

Walang pagdadalawang-isip, sinunggaban agad ni Angelique ang pagkakataong ito dahil malaki ang maitutulong nito sa kanilang mag-asawa. Maliban sa may pang-araw-araw na silang panggastos, pinili din ni Angelique na makapagbayad ng paunti-unti sa kaniyang loan sa CARD Bank. “Kaming mag-asawa ay naniniwala na kahit ganito ang sitwasyon ay kailangan pa ring harapin ang aming obligasyon bilang miyembro,” pagpapaliwanag niya.

Ipanagsawalang bahala niya ang pangamba sa araw-araw niyang pagpasok sa trabaho dahil sa pangangailangan pinansyal. “Hindi maiwasan na mangamba ang aking pamilya maging ang aking mga kapit-bahay sa aking kalusugan. Natatakot din sila na baka siya ang magdala ng sakit sa kanilang lugar. “Siniguro ko na lang na bago ako umalis at umuuwi sa bahay ay sinusunod ko ang mga safety precautions para maka-iwas sa sakit.” Ipinagpapasalamat din niya na binigyan sila ng pagkakataon ng Mga Likha ni Inay na makapagpa-rapid test at masigurong ligtas sila sa COVID-19.”

Bagama’t nananatiling may takot at pangamba pa rin sa kaniya dahil sa hindi pa tapos ang laban sa COVID-19, hindi ito naging dahilan para ilugmok sila nito sa hirap. “Ang nais ko ay malampasan ang problemang pampinasyal sa gitna nito kung kaya’t malaki ang pasasalamat ko sa Mga Likha Ni Inay na nabigyan nila ako ng trabaho.”

Sa kabila ng kaliwa’t kanang pagsasara ng mga kompanya at pribadong establishimento, malaki ang pasasalamat ni Angelique dahil ang MLNI ay nagpapatuloy pa rin para makapaghatid ng pangunahing pangangailangang serbisyo. “Malaki ang naging tulong nito sa amin dahil kahit na lockdown ay nakapagbigay ng trabaho ang institusyon.”

Ngayon, maliban sa pagnanais niyang kumita, masaya siyang nakatutulong siya sa kapwa niya sa pamamagitan ng pagbibigay serbisyo sa kanila. Sa dalawang buwan niya sa Palengke on Wheels, nakikita niya ang sobrang kahalagahang nagagawa ng programa sa komunidad. Sa tulong ng programa, hindi na kinakailangan pang magpunta sa mga pampublikong lugar ang mga mamimili at natutulungan silang makaiwas sa sakit. Si Angelique ay ang nagre-repack ng mga orders ng mga online buyers at minsan ay naghahatid din ng mga order sa mga kabahayan sa San Pablo.

Ayon kay Angelique, ang Palengke on Wheels ay isang epektibong proyekto upang makapagbigay ng tulong at suportang labanan ang COVID-19. Hindi lamang mga mamimili ang natutulungan kundi pati na rin ang mga supplier na pansamantala ding nahinto ang mga regular na hanapbuhay dahil na rin sa pagbabawal na pagbabyahe.

“Ako ay natutuwa dahil nakikita ko ang saya mula sa mga supplier na aming pinupuntahan. Ako ay maswerte dahil ako ay naging parte ng programang ito. Akin ding sisiguraduhin na magpapatuloy kami sa pagbibigay ng 100% na dedikasyon sa aming trabaho,” pagtatapos ni Angelique.