Pagharap sa bagong pangkaraniwan

Lahat tayo ay may pagsubok na pinagdadaanan. Bilang mga Filipino, kaya nating muling ngumiti at tumindig sa kabila ng lahat ng ating unos na pinagdaraanan. Sa pagbalot sa atin ng takot bunsod ng paglaganap ng COVID-19, isang matindi at napakabigat na pasanin sa balikat ang araw-araw na dinadala lalo’t higit ang mahihirap na pamilya.

Kasabay ng pagtatago natin sa ating mga tahanan, nagkubli rin ang maraming magagandang pagkakataon para sa marami nating kababayan. Ang karamihan ay nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng mga pinapasukang kompanya. Samantala, ang mga MSMEs naman ay nawalan o humina ang kita dahil sa matinding epekto nito sa ekonomiya ng bansa.

Kabilang sa milyon-milyong Filipino na naapektuhan ang pinagkakakitaan ay si Josephine Bicomong mula San Pablo, Laguna. Si Josephine, 47 taong gulang, ay isang dating OFW sa Dubai. Nang bumalik siya sa Pilipinas, sinubukan niyang magsimula ng pagsusuplay ng mantika at itlog sa mga restawran at karinderya.

Bagama’t naging mahusay ang takbo ng kaniyang negosyo, humarap naman sila sa isang mabigat na pagsubok. Nalaman nilang may kidney failure ang panganay nilang anak kung kaya’t nahati ang oras at gastusin nila. Ang namahala sa kanilang negosyo ay ang kaniyang asawa. Samantala, si Josephine naman ang nakabantay at nakaalalay sa may sakit nilang anak. Laking pasasalamat na lang ni Josephine na may anak din siyang nasa Dubai na nakatutulong sa pagpapagamot ng kanilang anak.

Lalong bumigat ang kanilang alalahanin ng unti-unting lumobo ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Hindi lamang takot sa kalusugan ngunit takot para sa kanilang hinaharap ang naging isipin ng pamilya Bicomong. Hindi lamang ang Pilipinas ang ikinulong ng virus ngunit ang buong mundo. Dahil sa pangyayaring ito, hindi na rin nakapagpadala ang kaniyang anak na OFW dahil naapektuhan din ang kaniyang trabaho roon.

Sa pagsasara ng mga restawran at karinderya, mas lalong nanlumo ang negosyo nila. Dahil sa umiiral na quarantine, wala silang ibang mapagkukunan nang pang-araw-araw na gastusin kundi sa maliit na kita at naipon nilang pamilya. “As a mother, lahat ‘yun naiisip mo. Lahat ng gastos, ultimong maliliit hanggang sa malalaki, mga medical expenses, lahat ‘yun ay nasa iyo.”

Kahit nasanay si Josephine sa isang kumportableng buhay bilang sukli ng kaniyang 15 taong pagiging sales lady sa Dubai, nang kumatok ang oportunidad na maging isa siyang tindera sa Palengke on Wheels ng Mga Likha ni Inay ay hindi na niya ito pinakawalan. Bagama’t hindi regular ang kaniyang trabaho dito, pinili pa rin niyang magtrabaho. Ayon sa kaniya, “Basta may pumapasok na pera ay okay sa akin ‘yun.”

Nang lumipas ang mga araw, naging regular na rin ang kaniyang pagpasok sa Likha ni Inay. Naging repacker siya ng mga order at pagkatapos ay nagtitinda ng mga gulay sa Veranda StEAT Park. “Mayroon na akong sweldo sa araw-araw at nalilibang pa ako at hindi puro problema ang nasa isip ko,” pagbabahagi niya.

Sa gitna ng pandemya, siya lamang ang kumikita para sa kaniyang pamilya. Nais man niyang magbalik sa Dubai bilang isang OFW para pantustos sa pangangailangang gamutan ng kaniyang anak, mas pinili na niyang kumita na lang dito sa Pilipinas at maalagaan ang kaniyang may sakit na anak at makasama ang kaniyang pamilya.

Kaya’t malaki ang kaniyang pasasalamat sa Likha ni Inay sa pagkakaroon niya ng pagkakakitaan. Ayon sa kaniya, “Every coin counts, since ang aking anak ay nagda-dialysis ay nagkakaroon kami ng pambili ng kaniyang gamot. Ito ‘yung magandang nangyari sa akin during the pandemic na galing sa Likha (ni Inay). Talagang malaki ang naitulong ng Palengke on Wheels sa amin,” pagtatapos niya.