Dedikasyon paakyat sa pangarap

Hindi man nakapagtapos ng pag-aaral, patuloy na nangangarap ng isang kumportableng buhay si Tom Joe Parlero, 23 taong gulang mula sa San Pablo, Laguna. Dahil sa pampinansyal na kakapusan noon bilang ang kaniyang ama ay isang pintor at ang kaniyang ina ay isang maybahay, pinili na lamang niyang tumigil ng pag-aaral matapos ang kaniyang ikalawang taon sa mataas na paaralan.

Sinimulan niyang tumulong sa kaniyang ama sa tuwing may mga proyekto itong kailangang pinturahang bahay o sasakyan. Dahil sa maliit na kita, nagbukas din sila ng isang maliit na karinderya. Di rin naglaon, kinailangan nilang isara ito dahil sa nagkasakit ang kaniyang ina.

Binata pa lamang si Joe ay sumubok na siyang kumita ng pera upang makatulong kahit papaano sa kaniyang pamilya. Natuto siya magmekaniko sa mga kaibigan niyang may kaalaman dito. Nang magbukas ng carwash shop ang pinapasukan niya, pinasok na rin niya ang pagiging isang carwash boy.

Matapos siyang magtrabaho sa Los Baños, Laguna, pinili niyang magtrabaho na lamang malapit sa kaniyang pamilya. Namasukan siya bilang isa ring mekaniko sa isang motor company sa San Pablo. Nang humina ang kita ng kompanyang pinagtatrabahuan niya ay isa siya sa mga nawalan ng trabaho.

Matapos nito, naging namasukan siya bilang isang busboy sa Veranda StrEAT Park ng Mga Likha ni Inay noong Nobyembre 2019. Ayon sa kaniya, malaking tulong ito sa kaniya dahil muli ay makatutulong siya sa mga gastusin ng kanilang pamilya.

Ang paglobo ng coronavirus

Tulad ng lahat, nangamba si Joe nang mabalitaan ang lockdown na mangyayari sa buong Luzon. Isa itong masamang balita dahil hindi lamang sakit ang maaari nilang abutin kundi ito ay magdudulot ng kakulangan ng pampinansyal nilang pangangailangan sa araw-araw.

Pansamantala ngang tumigil ang kaniyang trabaho. Wala siyang magawa kundi ang manatili sa bahay, pagkasyahin ang ayudang maibibigay sa kanila ng lokal na pamahalaaan at ang maliit nilang naitabing pera.

Napatanong na lamang siya, “Paano nga ba ako makatutulong sa aking pamilya? Paano na kami kakain? Sa panahon ng krisis ay napakahirap na wala kang trabaho. Ang hirap na nasa bahay ka lamang at wala kang pinagkakakitaan.” Ito ang naging daing ni Joe.

Laking pasasalamat niya sa pagkakalunsad ng Palengke on Wheels ng Mga Likha ni Inay dahil nabigyan siya nito ng pagkakataong kumita sa gitna ng pandemya. Ngayon ay isa siyang deliveryman sa nasabing programa. “Kahit mahirap, masaya ako na nakakatulong ako sa ibang tao bilang nakakapagdeliver ako sa kanila ng pagkain,” pagbabahagi niya. Sa isang araw, maraming barangay ang kanilang naiikot sa pagde-deliver ng order.

“Dahil sa pagkakaroon ng lockdown, nawalan ako ng trabaho. Nawalan na naman ako ng pagkakakitaan. Napakaganda ng pagpasok ng Palengke on Wheels dahil nagkaroon ako ng hanapbuhay. Mayroon na akong pambili sa pang-araw-araw na pagkain namin ng mga magulang ko,” masayang pagkukwento niya.

Dagdag pa niya, “Magtatagal ako rito kasi ayokong maging pabigat sa bahay. Hangga’t may Palengke on Wheels, hangga’t bibigyan nila ako ng opportunity na pumasok, papasok at papasok ako dito.”

Mula sa kaniyang kinikita at sa pagtutulungan nilang mag-ate, napag-aaral nila ang kanilang bunsong kapatid. Samantala, si Joe naman ay nagdesisyong magpalista sa Alternative Learning System (ALS) ng Kagawaran ng Edukasyon noong Enero. Nang tanungin siya kung sino ang nagtulak sa kaniyang mag-aral muli, mabilis ang kaniyang naging tugong “Ako! Gusto kong magtapos ng pag-aaral.  Nais niyang kumuha ng Automotive Course kung sakali siya ay makapasa sa pagsusulit.

Patuloy na nangangarap si Joe para sa kaniyang sarili at sa kaniyang pamilya. Kahit bata at marami pang pagdaraanan sa buhay, hindi patitinag si Joe sa kaniyang mithiin na mabigyan ng mahusay na buhay ang kaniyang pamilya. Kung anong meron siya ngayon, ibinibigay niya ang kaniyang makakaya para kumita at makatulong sa ibang tao na tinutulungan ng kompaniyang kaniyang pinapasukan.